1 patay sa sunog sa CDO

Nasa 11 mga bahay ang naabo ng apoy na ikinamatay rin ng isang 16-anyos na babae sa Cagayan de Oro City.

CAGAYAN DE ORO CITY – Isa ang patay sa sunog na tumupok sa may 11 mga bahay sa Barangay Lapasan, Martes ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Thalia Rocero, 16-anyos.

Ayon sa kaniyang inang si Gemma, natutulog ang bunso sa loob ng kanilang tatlong palapag na bahay. Abala naman siya sa paghahanda ng ititinda sa harap ng bahay.

Laking gulat na lang niya nang biglang may sumigaw na nasusunog na ang kanilang bahay.

“Sinubukan kong sagipin ang aking anak pero hindi na ako makaakyat dahil may mga sumasabog na sa loob ng bahay,” kuwento ni Gemma.

Wala rin gamit na naisalba ang pamilya.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, 11 bahay ang mabilis na naabo sa sunog.

“Mabilis na natupok ang mga bahay dahil gawa halos sa light materials ang mga ito,” ayon kay Fire Inspector Sam Laurence Velarde ng City Fire District.

Dahil sa mabilis na pagresponde ng mga bumbero, naiwasang madamay at masunog ang kalapit na hardware na nagbebenta ng pintura.

Inaalam pa ng barangay kung ilang pamilya ang apektado sa sunog.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP para mabatid kung ano ang naging sanhi ng sunog na umabot sa 4th alarm.

Tinatayang aabot sa P350,000 ang halaga ng ari-ariang nasunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.