2 sa BIR, dawit sa pangingikil ng P800,000, arestado

Arestado nitong Huwebes ang dalawang kawani ng Bureau of
Internal Revenue sa Batangas matapos mangikil umano ng P800,000
sa isang negosyante para padaliin ang proseso ng pagbabayad
nito ng buwis.

Nadakip ang mga suspek sa opisina mismo ng BIR-Batangas nang
tanggapin ng dalawang ahente ang perang nanggaling sa mga
taga-NBI na nagpanggap na empleyado ng negosyante.

Sinasabi rin umano na humingi ang BIR examiner na si Menelao
Jimenez ng P800,000 para mabilis ang pagbabayad ng buwis ng
kompanya ng negosyante. Kasabwat umano ni Jimenez ang BIR
supervisor na si Mark Medina.

Ayon sa biktima, nauna nang humingi ng P1,000,000 ang mga
suspek sa kaniya, kaya nagduda at nagsumbong ito sa NBI.

Ayon kay NBI Special Task Force chief Gerald Geralde, maaari
ring may masamang reputasyon ang dalawang kawani sa BIR.

“Noong inaresto namin sila, apparently may reputasyon talaga
sila. Naghihiyawan ‘yung mga nandoon sa mga stall at sinasabing
‘buti nga sa iyo’,” ani Geralde.

Iniimbestigahan din ang dalawa pang umanong kasabwat sa modus
na taga-BIR din.

Tinanggi ni Jimenez ang mga akusasyon at iginiit na iniipit
lamang siya.

“Sinet-up ako. Hindi ko tinanggap ang pera. Kahit
ipa-fingerprint niyo pa yan,” ani Jimenez, na walong taon nang
nagsisilbi sa BIR.

Payo ni Geralde na magbayad ng buwis nang maayos para hindi
mabiktima ng mga nasabing modus.

Nahaharap ang dalawa sa paglabag ng Graft and Corrupt Practices
Act, Code of Conduct at Ethical Standards for Public Officials,
at direct bribery.

— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.