50 tindahan sa 168 Mall ipinasara dahil sa ‘mali, kulang’ na permit

MAYNILA — Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang aabot sa 50 tindahan sa isang mall sa Maynila dahil sa paglabag sa mga pamantayan ukol sa business permit. 

Sinalakay nitong Biyernes ng Business Permits and Licenses Office ng Maynila ang 168 Mall sa Divisoria, kung saan nakitaan ng paglabag ang ilan sa mga tenant. 

Ilan sa mga ipinasasara ang mga may “misdeclared” na permit o mga negosyong nagparehistro sa pagbebenta ng bagay na hindi naman nito itinitinda. 

Kasama rito ang isang stall na may plate ng business permit sa pagbebenta ng mga damit pero halo-halong gamot, pabango, at pampaputi ang matatagpuan sa tindahan. 

May isa namang tindahan na Pilipino ang nakapangalan na may-ari pero ayon sa mga tauhan, Chinese ang kanilang amo. 

Idinedeklara din umano ng ilan na retail ang kanilang negosyo pero nang inspeksiyunin, puro mga wholesale o maramihang produkto ang ibinebenta ng mga ito. 

Mas mataas ang dapat binabayaran ng mga nagbebenta ng wholesale sa lokal na pamahalaan, ayon kay Levi Facundo, hepe ng Bureau of Permits. 

Ayon sa pamunuan ng 168 Mall, hiniling na nila sa kanilang mga tenant na sundan ang tamang mga permit. 

Sa tala ng Manila City Hall, aabot sa halos 500 tindahan sa mga mall sa Maynila ang ilegal ang negosyo dahil walang mga permit para para dito.

Patuloy ang inspeksiyon ng mga awtoridad as iba pang malls sa Maynila.

–Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.