‘Ako naman magtatrabaho’: Tourism grad hiling na umuwi na ang inang OFW

Imbes na pangalan, course at student number, nagpaabot ng espesyal na mensahe sa kaniyang OFW na ina ang isang graduating tourism student sa whiteboard na ginamit para sa kaniyang graduation picture. Photo courtesy of Minerva Jane Borca

Karaniwang pangalan, course, at student number ang isinusulat sa whiteboard na ginagamit tuwing magpapakuha ng graduation picture. 

Pero para sa isang tourism graduate ng Our Lady of Fatima University, dito niya ipinaabot ang mensahe sa kaniyang ina na overseas Filipino worker (OFW) sa Oman.

Umani na ng 6,500 reactions at 4,300 shares ang Facebook post ng Tourism student na si Minerva Jane Borca noong Marso 22 dahil sa agaw-pansing mensahe para sa kaniyang ina na si Maria Fe, isang domestic helper. 

“Ma uwi ka na sa ‘Pinas, ako naman magtatrabaho,” ani Borca sa mensaheng isinulat sa kaniyang whiteboard. 

 

Sa post, isinalaysay ni Borca ang mga “linyahan” ng ina na nag-umpisang magtrabaho sa Muscat noong bata pa siya.

“Ne (Borca), sobrang nakakapagod dito wala pa’kong kain nagkape lang ako,” wika umano ng kaniyang ina. 

May mga mensahe din aniya ang ina ukol sa pagkaulila.

“Mabuti pa ‘yung sahod buwan-buwan umuuwi ng ‘Pinas.”

“Ako na naman magce-celebrate ng Pasko at Bagong Taon mag isa.”

Ito raw ang nag-udyok kay Borca na mag-aral nang mabuti at magtapos ng kolehiyo para makatulong sa pagsustento sa tatlo pang kapatid. 

Dagdag niya na sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo, mas pipiliin pa niyang makauwi ang kaniyang ina imbes na makatanggap ng iba pang regalo. 

“Mas pinipili kong pauwiin siya [kaysa] makatanggap ng ano mang materyal na bagay,” aniya. 

Kuwento ni Borca, sa paghalili niya bilang ilaw ng tahanan dahil malayo ang kaniyang ina, dinanas niya rin ang iba’t ibang sakripisyo. Pero hindi niya raw isinasantabi ang sakripisyo ng kaniyang ina. 

“Kung maraming nawala at kulang sa’kin simula noong mag-abroad siya, alam kong mas marami siyang tiniis at sakripisiyo sa malayong lugar para sa ikagagaan ng buhay namin at para mabigyan niya kami ng sapat na edukasyon,” aniya sa kaniyang Facebook post. 

Tumulak pa-Muscat, Oman si Maria Fe noong 2012 para magsilbing domestic helper. Nagtatrabaho naman bilang maintenance mechanic ang kaniyang ama dito sa Pilipinas. 

Sa nasabing post, nagpasalamat din si Borca sa kaniyang ama sa pagtugon sa kanilang pangangailangan. 

“Hindi man maibigay ni papa ‘yung mga luho na gusto namin minsan, at least nabibigay niya ‘yung lahat na mas pangangailangan namin,” aniya. 

Dahil sa kaniyang karanasan, may mensahe siya sa mga nagtatrabaho bilang OFW at sa kanilang mga pamilya. 

“Sana dumating ‘yung araw na wala [nang] aalis ng bansa para makipagsapalaran,” ani Borca. 

“At sa mga pamilya ng mga nag-OFW sana maintindihan at maunawaan niyo sila kung bakit sila umalis ng Pinas para sa ikagaganda ng buhay niyo.” 

PAGHALILI SA INA

Sa panayam ng ABS-CBN News, ikinuwento ni Borca ang naging takbo ng kaniyang buhay nang tumayo siyang ina sa tatlo niyang kapatid. 

“Usually po na ginagawa ko is ‘yung mga gawaing pang-nanay po like plantsa, linis ng bahay, laba, lampaso,” aniya. 

“Tinutulugan ko din po mga kapatid ko sa assignments and projects nila tapos ako po nag-aasikaso sa mga kapatid ko,” dagdag niya. 

Para maibalik ang utang na loob sa sakripisyo ng ina, naisip niya ang konsepto para sa kaniyang retrato. 

“Naisip ko lang po habang nakahiga po ako then tinype ko po sa laptop ko basta pumasok sa isip ko po na gusto ko maging proud sa’kin mother ko kahit malayo siya,” aniya. 

Hindi man nakauwi ang kaniyang ina para sa kaniyang graduation, nagpaabot naman ito ng mensahe kay Borca. 

“Ne, salamat natupad mo ‘yung pangarap ko, maging masaya ka nandyan naman sila papa mo,” ayon kay Maria Fe. 

Hindi rin nila inakalang magva-viral ang kaniyang post. 

Hangad ni Borca na makapagtrabaho sa isang airline o hotel ngayon na nakapagtapos na siya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.