‘ASAP TLC’: Kapansanan sa pananalita at pandinig, nadaig para sa iniibig

Para kay Erickson Galura, hindi naging hadlang sa pag-iibigan
nila ng nobyang si Jannyl Rivera ang kapansanan nito sa
pandinig at pananalita.

Sa katunayan, nagpursigi pa si Galura na matuto ng sign
language upang lubusang maunawaan si Rivera, isang deaf-mute o
bingi at pipi.

Ibinahagi ng dalawa ang kanilang kuwento sa “TLC” segment ng
“ASAP” nitong Linggo, tampok si Rufa Mae Quinto bilang guest
host.

Kuwento ni Galura, sa Maynila naninirahan ang kaniyang pamilya
pero linggo-linggo silang umuuwi sa Pampanga para bisitahin ang
mga kaanak. Doon din niya nakilala si Rivera.

“Na-love at first sight ako sa kaniya,” ani Galura.

“Pinupuntahan ko pa siya sa Pampanga every week para lang
maka-bonding siya,” aniya.

Napamahal naman si Galura kay Rivera dahil sa mga pagsisikap
niya para sa babae, gaya ng lingguhang pag-uwi ng Pampanga at
pag-aaral ng sign language.

Nang matuto ng sign language, naging personal interpreter ni
Rivera si Galura at nag-volunteer din ito sa organisasyon ng
mga deaf-mute sa Pampanga na kinabibilangan ng nobya.

Dalawang taon nang magkasintahan ang dalawa pero inamin ni
Galura na may mga kaanak pa rin siyang hindi tanggap si Rivera
dahil sa kondisyon nito. Sa kabila nito, nangako si Galura na
patuloy na ipaglalaban ang nobya.

“Nagulat sila kasi si Jannyl nga, deaf, so ayaw nila. Sa ‘kin
okay lang, wala naman problema. Patuloy ko siyang
pinaglalaban,” ani Galura.

“‘Yong love kasi ‘pag naramdaman mo ‘yan, totoo ‘yan so
continue mo lang ‘yan. Ipaglaban mo, huwag mo ikahiya,” dagdag
niya.

Inalay nina Erik Santos, Daryl Ong, Gary Valenciano, Kyla,
Angeline Quinto at Roselle Nava ang kantang “More Than Words”
ng Extreme para sa dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.