‘ASAP’: ‘Viral’ teen rapper nakatambal ang idolong si Gloc-9

Natupad ang pangarap ng isang dalagitang rapper mula Cavite nang makatambal niya sa isang pagtatanghal ang iniidolong si Gloc-9.

Itinampok sa programang “ASAP” ngayong Linggo si Jaja Cabero, ang 12 anyos na estudyante mula General Trias City.

Kasama ni Jaja sa kaniyang pagtanghal ng kantang “Bagsakan” ng Parokya ni Edgar si Janine Berdin at ang kaniya umanong idolo na si Gloc-9.

Nauna nang pinabilib ni Jaja ang mga netizen nang umani ng higit 5 milyong views sa Facebook ang video nang kaniyang pag-rap habang nasa loob ng saskayan.

Kuha ang video ng ama ni Jaja na si Jonathan Cabero, na isa ring rapper at lumalahok noon sa mga FlipTop battle.

“Nasa sasakyan kami noon tapos nagpatugtog ako ng beat tapos biglang nag-rap si Jaja, ‘yon natuwa naman kami,” kuwento ni Jonathan.

Ayon kay Jonathan, na isa na ngayong computer technician, siya rin ang nagsulat nang ni-rap ng anak sa viral video.

Inamin naman ni Jaja na malaki ang impluwensiya ng kaniyang ama sa pagkakahilig niya sa rap.

“Natuto po akong mag-rap no’ng nakikinig ako ng mga rap song ni daddy ko saka ‘yong iba pong kanta ni Sir Francis [Magalona],” ani Jaja.

Itinuturing naman ni Jaja na idolo sa Gloc-9 “dahil ‘yong mga ginagawa niya pong kanta may sense po.”

Ikinuwento rin ni Jaja na sa murang edad niya, nakatutulong na siya sa kaniyang mga magulang sa pamamagitan ng pag-rap.

“May mga gig po, ‘yong [talent fee] ko po binibigay ko po sa magulang ko,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.