Babae sa viral video ng pananakit sa kapwa menor de edad, kakasuhan

Magsasampa ng kaso ang ina ng biktima sa dalagang nanakit sa kaniyang anak. Larawan mula kay Prancela Malinao

Desididong magsampa ng kaso ang ina ng 13-anyos na dalagitang na-bully dahil umano sa selos sa Angeles City.

Ayon kay “Cela”, nakaharap na niya ang nanakit sa anak noong nakaraang taon at nagkasundo na magkapatawaran kung sasagutin ang mga gastusin ng biktima sa ospital. Pero hindi umano nakipagtulungan ang suspek.

Bunga ito ng kumalat na video sa social media kung saan makikita ang pagkumprontang ginawa ng babae sa anak ni Cela sa banyo ng isang mall sa Angeles City.

Sa video, makikita ang paulit-ulit na pagsuntok sa ulo ng biktima kahit pa nagmamakaawa na ito. Wala ding nagawa ang nagtangkang umawat.

Umani ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen.

“Nung lumitaw yung video sinend sa kaniya, doon ko nalaman kung gaano ka-worst ang ginawa niya sa anak ko. At dahil nga ni isang clue wala akong alam kung nasaan siya, that’s why inupload ko,” sabi ni Cela.

Sa tulong ng kapitan ng Barangay Cutud sa Angeles City, muling napagharap ang magkabilang panig para subukang ayusin ang problema lalo na’t nadadamay na ang kanilang barangay kung saan nakatira ang nobyo ng babaeng nanakit.

“Nakakabigla at hindi maganda so dapat mabigyan ng oras ito dahil buong mundo na yung nagko-comment e,” sabi ni Kapitan Joen June Sunga.

Ayon sa 16-anyos na nanakit sa biktima, nagawa lamang niya ito nang dahil sa selos.

Dahil sa nangyari, natigil sa pag-aaral ang 13-anyos na biktima nang maapektuhan umano ang kaniyang kalusugan sa mga natamong suntok sa ulo.

“Iniisip ko na lang po na sana ‘di na po nangyari ‘yun. Habang nafi-feel ko po yung mga suntok niya, yung parang yun na po yung pinaka-last kong araw,” sabi ng biktima.

Muling bubuksan ang kaso na naireport na ng nanay ng biktima sa Angeles City Police Station 1.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.