Baking soda, activated charcoal mabisa nga bang pampaputi ng ngipin?


Paalala ng isang doktora na ikonsulta muna sa dentista kung
nais gamitan ng baking soda at activated charcoal ang ngipin

Minsan ba ay napapaisip ka ukol sa hitsura ng iyong ngipin –
kung ito ay maputi o pantay-pantay ang kulay – tuwing ikaw ay
napapangiti?

Sa programang “Salamat Dok,” tinalakay ng oral surgeon na si
Dr. Joyce Ambray kung paano nakatutulong ang baking soda at
activated charcoal sa pagpapaputi ng ngipin, at ang mga tamang
paraan ng pag-aplay nito sa ngipin.

Ayon kay Ambray, mayroon mga katangian ang baking soda na
nakatatanggal sa mga “stain” o mantsang naiiwan sa ngipin.

“Mayroon kasi siyang property na cleansing, antiseptic and at
the same time abrasive. So ang tinatanggal ng baking soda are
extrinsic stains – ‘yong stains na nakukuha natin sa coffee,
tea, chocolates, soda and other habits like smoking and ‘yong
mga nagnganganga,” paliwanag ni Ambray.

Isasama lamang ang baking soda sa toothbrush na may toothpaste,
ani Ambray, saka magsepilyo ng isa hanggang dalawang minuto
bago magmumog.

Mayroon naman daw dalawang klase ng activated charcoal na
maaaring bilhin at gamitin: isang powder o pulbos at isang nasa
capsule o kapsula.

Hindi gaya ng baking soda na isinasama na sa toothpaste at
toothbrush, kailangan pa raw ng hiwalay na toothbrush para sa
pagsesepilyo gamit ang activated charcoal.

Matapos magsepilyo gamit ang activated charcoal at magmumog,
kailangan pa raw ulit magsepilyo gamit naman ang toothpaste.

Pero nagpaalala rin si Ambray sa mga taong nais gumamit ng
baking soda at activated charcoal na magpakonsulta muna sa
kanilang mga dentista dahil hindi pa aprubado ng American
Dental Association ang mga nabanggit na paraan ng pagpapaputi.

“Hindi lahat ay candidate o puwedeng gumamit ng mga produktong
ito. Dapat i-assess kayong mabuti ng inyong dentista,” aniya.

Hindi raw kasi gaya ng toothpaste na malambot at maliliit ang
mga partikulo, maaaring magdulot ng pinsala ang baking soda at
activated charcoal sa mga sensitibong ngipin at gilalid.

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.