Batang babae sa Bukidnon, umano’y ginahasa at pinatay ng sariling tiyuhin

VALENCIA CITY, Bukidnon – Hindi maitago ng ina na si alyas Marie ang paghihinagpis at galit sa biglang pagkamatay ng kaniyang 4 na taong gulang na anak na babae.

Kuwento ni Marie, ipinagkatiwala nilang mag-asawa sa kaniyang pinsan na lalake ang dalawa nilang maliliit na anak matapos nag-inuman Linggo ng gabi sa Valencia City.

Ang tiyuhin umano ang nag-alok na sa kaniyang tinitirahan muna matulog ang mga bata dahil gabi na.

“Lunes ng umaga sinundo namin ang mga bata. Tinanong ko kung saan ang panganay, ang sabi nasa kuwarto, natutulog pa pero nang aking gisingin, hindi na pala ito humihinga,” sabi ng ama ng biktima.

Isinugod pa ng mag-asawa sa ospital ang bata pero sabi ng doktor ilang oras na itong patay.

Posible rin umanong ginahasa ang bata dahil nakitaan ito ng sugat sa kaniyang maselang bahagi ng katawan.

May sugat din ang biktima sa kaniyang leeg at ulo.

“Sobrang galit ang nararamdaman ko. Hindi ko akalain na magagawa niya ito sa aking anak. Ipinagkatiwala ko ang aking anak sa kanya,” daing ng ina ng biktima.

Ayon kay Police Lt.Col. Surki Sereñas, sumubok na tumakas at magtago ang tiyuhin na suspek pero nahuli rin ito.

Dagdag ni Sereñas, itinanggi ng tiyuhin ang krimen.

Sinampahan na ng kasong rape with homicide ang suspek na nagpapagamot pa sa Bukidnon Provincial Hospital matapos magreklamo na hirap itong umihi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.