Batang bida ng ‘Nang Ngumiti Ang Langit,’ nagpabilib sa acting challenge

MANILA – Pinatunayan ni Sophia Riola na karapat-dapat siyang maging bida ng bagong teleserye na “Nang Ngumiti Ang Langit.”

Pinabilib ng child star ang mga host ng “Magandang Buhay” na sina Melai Cantiveros, Karla Estrada, at Jolina Magdangal nang sumabak siya sa isang acting challenge nitong Lunes.

Tinawag ng mga host ang challenge na “Nanay Pancit Skit” kung saan naabutan ng karakter ni Sophia ang kanyang ina – na ginampanan ni Melai – na wala nang buhay.

Agad na nadala si Sophia sa eksena at napaiyak nang makita si Melai na nakahiga sa sahig, bagay na pinabilib ng mga host at audience ng “Magandang Buhay.”

Pagkaraan ng ilang segundo, binasag ni Melai ang lungkot sa eksena at nagpanggap na isang zombie, na ikinagulat naman ni Sophia.

“In fairness kay Sofia, bata pa lang siya, alam na niya ‘yung mga technique na dapat gawin sa pag-iyak. Ako nga, ‘di masyadong nakakaiyak,” ani Melai.

Pahayag naman ni Karla: “Iba ang motivation ngayon ng mga bata. Siguro kasi sa dami ng mga pinapanood nila, madali na silang makaunawa, makaintindi. Ang dami nang knowledge talaga na nakukuha, especially ang social media natin. And of course, buhay na buhay ‘yung mga palabas sa TV, so ginagaya na talaga ng mga bata ‘yun.”

Kasama ni Sophia ang kanyang ina nang dumalaw siya sa studio ng “Magandang Buhay.”

Kuwento ng kanyang ina, hindi nila inakala na si Sophia ang mapipili sa dinami-rami ng nag-audition para maging bida ng “Nang Ngumiti Ang Langit.”

“Noong una, siyempre, ayoko munang maging masaya kasi baka biglang mawala. Kasi actually, hindi rin talaga kami nag-expect kasi sabi ko nga, she has a lot to learn pa talaga,” pag-amin niya.

Bago ang “Nang Ngumiti Ang Langit,” napanood si Sophia bilang batang karakter ni Julia Barretto sa “Ngayon at Kailanman.”

Kasama rin siya sa cast ng kiddie show na “Goin’ Bulilit.”

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.