Cancer survivor patay nang mabundol ng motorsiklong minamaneho ng lasing na pulis

MAYNILA—Patay ang isang lalaki nang mabundol ng motorsiklong minamaneho ng pulis sa Santa Ana, Maynila Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Gregorio Enriquez, 69 anyos.

“Hindi ‘yan deserve ng asawa ko eh. Kasi na-survive nga niya ang cancer eh… sa isang iglap ganoon lang ang mangyayari,” ani Emma, asawa ng biktima.

Na-diagnose si Gregorio ng prostate cancer noong 2008 at nagpapagaling na matapos operahan nitong Hulyo.

Alas-2 ng hapon nitong Sabado nang mabundol si Gregorio habang tumatawid sa Francisco St.

“Ang bilis talaga ng takbo ng motor kasi tumilapon ang asawa ko eh,” dagdag ni Emma.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, nagtangka pang tumakas ang drayber ng motorsiklo na napag-alamang pulis.

“Lasing na lasing eh. Maingay, mayabang, parang siya pa ang galit,” ani Sherwin, anak ng biktima.

Hinahabol umano ng taumbayan ang suspek dahil sangkot din umano ito sa iba pang aksidente noong araw, dagdag ni Sherwin.

Kulong sa Manila Police District Traffic Enforcement Unit si Police Staff Sgt. Dennis Ryan Flores na nakatalaga sa Baseco Police Community Precinct.

“I’m very sorry,” ani Flores nang kunan ng pahayag sa insidente.

Sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, driving under the influence of liquor, at failure to carry driver’s license ang suspek.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.