Grupo ng employers, humingi ng panahon para ipatupad ang bagong income tax

Maraming kompanya ang hindi kayang ihabol sa suweldo sa Enero
15 ang mas mababang withholding tax.

Ayon sa People Management Association of the Philippines
(PMAP), isang grupo ng human resource heads, kailangan kasi ng
panahon para isaayos o i-adjust ang computer system ng mga
kompanya para tumalima sa bagong sistema ng pagbubuwis.

“No one will lose a peso… kunwari if you’re [earning] below
P250,000 a year, you will get the benefit,” ani Ramon
Segismundo, presidente ng PMAP.

Sinabi rin ng PMAP na hindi puwedeng gawin ng mga kompanya na
sa Disyembre o sa dulo ng taon na lang aayusin ang income tax
ng mga empleyado.

“Irresponsible employers can do that, but [a] responsible
employer will implement it in the earliest possible time,” ani
Segismundo.

Nakiusap naman ang Employers Confederation of the Philippines
(ECOP) na bigyan pa sila ng kaunting panahon para maipatupad
ang mga pagbabago sa buwis ng mga empleyado at makasunod sa
bagong batas.

Saad ng pahayag ni Doland Dee, presidente ng ECOP: “The
complaints are valid insofar as having to reprogram. Perhaps,
BIR can give some leeway for implementation latest by February.
We’ll see what can be done.”

Paliwanag naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR), hindi na
kailangan ng revenue regulation dahil nasa website na nila ang
patakaran na dapat sinimulan noon pang Enero 1.

“Maaari po ang dahilan is hindi pa ready ang I.T. system nila,
or ang mga payroll system or advance nilang nai-compute ‘yan,
dapat po is ire-readjust” ani Marissa Cabreros, tagapagsalita
ng BIR.

Ayon din kay BIR Commissioner Caesar Dulay, hindi dapat
idahilan ang isyung teknikal sa sistema ng kalkulasyon ng
kompanya dahil puwede naman daw gawing mano-mano ang
pag-compute sa take-home pay ng mga empleyado.

Sabi rin ni Dulay, puwedeng isumbong sa BIR ang mga kompanyang
hindi susunod sa bagong income tax system.

Pero tiniyak ng BIR na kahit sa Pebrero o sa kalagitnaan pa ng
taon babaguhin ang withholding tax ng mga empleyado, dapat
retroactive ang pagiging epektibo nito o ibig sabihin,
magsisimula pa rin ang kuwenta sa Enero 1.

Ayon naman sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of
the Philippines (ALU-TUCP), dapat masampolan ang pasaway na
employers lalo na ‘yong mga may kinaltas na sobrang withholding
tax.

Saad ng pahayag ng ALU-TUCP: “Hinihikayat namin na manghuli at
magsampol ang BIR ng mga abusadong employers lalong lalo na
‘yung mga lumalabag sa rules and regulation upang maging patas
ang batas para sa mga employees, para sumunod ang lahat sa
batas at maging kapakipakinabang ang TRAIN (Tax Reform for
Acceleration and Inclusion) para sa mga manggagawa.”

Sa ilalim ng bagong batas, wala nang kaltas na income tax ang
may kabuuang sahod na P250,000 kada taon o tinatayang P20,833
kada buwan.

May bawas din ang buwis ng mga self-employed o professionals na
tumatanggap ng talent fee o professional fee.

Kung dati, kinakaltasan sila ng 10 hanggang 15 percent na tax,
ngayon ay 8 percent na lang ang income tax na ipapataw sa
kanila.

— Ulat nina Alvin Elchico at Warren de Guzman, ABS-CBN
News

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.