Kakulangan ng suplay ng Maynilad, Manila Water posibleng umabot sa Agosto

MAYNILA — Posibleng abutin ng katapusan ng Agosto bago maibalik sa 24/7 ang serbisyo ng Maynilad at Manila Water sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Sa pagdinig ng House of Representatives oversight committee nitong Martes, inamin ng weather bureau PAGASA na hindi pa sapat ang pag-ulan para makabalik sa normal ang suplay ng tubig sa Angat Dam, na isa sa pinagkukuhanan ng water concessionaires. 

“May low pressure ngayon pero hindi uulan sa Angat, [because] lilihis papuntang Japan. May kasunod. We’re hoping mae-enhance ang habagat… [We] project August pa makaka-recover tubig in terms of pag-ulan,” ani Vicente Malano, PAGASA Acting Administrator. 

Ayon pa sa Local Water Utilities Administration, kung hindi uulan ay magiging mas mababa na sa 157.57 cubic meters ang tubig sa Angat, ang pinakamababang lebel nito na huling naitala noong 2010.

Paliwanag naman ng Maynilad at Manila Water, nakadepende sa suplay ng tubig ang serbisyo nila kaya magbabalik ang regular na serbisyo kapag balik-normal na rin ang suplay.

“As we mentioned, we are distributors of what’s allocated to us. If the projection is by end of August ang normal operating level, umaasa kami na babalik ang serbisyo sa pinagsimulan,” ani Ramoncito Fernandez, presidente ng Maynilad. 

Sa suhestiyon naman na pagmultahin ang dalawang kompanya dahil sa napatid na serbisyo, iginiit ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na lulusot lang ito kapag nakumbinse sila na force majeure o act of god daw ang dahilan ng krisis.

Pero para kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, hindi ito katanggap-tanggap. 

“Di katanggap-tanggap na force majeure. Nilikha po ng tao ang problemang ito patrikular ang pakatakaran at kapalpakan ng MWSS. Walang force majure at di dapat ma-exempt ang concessionaires. Dalawang buwan ang service interruption,” ani Tinio. 

Iminungkahi naman ng local water utilities na kumuha ng dagdag suplay ng tubig ang MWSS sa mga water district mula Laguna, Cavite, at Bulacan at bumuo ng “Department of Water” na mangangasiwa sa suplay ng tubig.

Matatandaang nagkaroon din ng kakulangan ng suplay ng tubig noong Marso at Abril, kung saan apektado ang mga nasasakupan ng Manila Water. —Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.