Labi ng PMA cadet na namatay dahil sa hazing, naiuwi na sa CDO

Labi ng kadete na si Darwin Dormitorio na namatay dahil sa hazing nitong Miyerkoles sa barracks ng Philippine Military Academy sa Baguio.

CAGAYAN DE ORO—Sinalubong ng arrival honors ng mga sundalo and labi ng Philippine Military Academy cadet na si Darwin Dormitorio nang dumating sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental nitong Sabado.

Pagdating sa isang pribadong punerarya sa lungsod na ito, bumuhos ang luha ng kaniyang mga kamag-anak at kaibigan.

Hindi na tinuloy ng pamilya ang pagpapa-cremate kay Dormitorio dahil ayaw na nilang madagdagan pa ang paghihirap sa katawan na natamo ng binatilyo.

Kinompirma ng pulisya na namatay ito dahil sa hazing sa loob ng PMA barracks sa Fort del Pilar sa Baguio noong Septyembre 18.

Hinihinala na upperclassmen, o mga nakakatandang kadete, ang nasa likod ng pagkamatay ni Dormitorio.

Ayon sa tiyahin ni Dormitorio na si Michelle Usman, gusto ng bata maging sundalo at lider para makapagsilbi sa bayan.

“Pagpasok niya sa PMA he has full of dreams, to be one of our leaders that was his main objective. So who are we to stop?” ani Usman.

Tinawag naman na mga “sadista” ni Mayor Omaradji Pizarro ng bayan ng Kalilangan, Bukidnon, ang mga nasa likod ng pagpatay kay Dormitorio.

Malapit ang alkalde sa pamilya Dormitorio dahil kamag-anak ng kaniyang asawa ang pamilya.

“It’s not good to know that cadets who are very willing to serve our country. Tapos namamatay lang sila along the way sa training. Ang gusto namin malaman, bakit sila so sadistic ba? Very cruel ‘yung mga upperclassmen, when in fact they will be soon their comrades,” ani Pizarro.

Hustisya ngayon ang panawagan ng pamilya na umaasang sana matigil na ang nangyayaring hazing sa loob ng akademya.

“This should end the cruelty. ‘Yung sadistic, barbaric na ginagawa diyan mismo sa loob ng PMA. It’s good that the father still honors and respect the PMA. Ang hindi lang niya makaya the system,” ani Pizarro.

Dagdag ni Usman: “He deserves justice to make sure na hindi na ito mangyari sa iba,” 

Nakatakdang ilibing si Dormitorio sa Martes habang hinihintay pa nila ang ibang kamag-anak na dumating sa Cagayan de Oro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.