Mag-asawang matanda, patay matapos hampasin ng kahoy sa Bulacan

Meycauayan City police

MAYNILA – Patay ang mag-asawang matanda matapos umanong paghahampasin ng kahoy sa ulo sa Meycauayan City, Bulacan Lunes ng madaling-araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Felix Bernabe, 76 anyos, at misis na si Estelita, 77 anyos.

Inaresto ng mga pulis ang mag-aama at isa nilang kaibigan na itinuturong mga suspek sa krimen.

Ayon kay Police Maj. Alexander Dioso, deputy chief ng Meycauayan City police, patungong palengke ang mag-asawa sakay ng kanilang traysikel nang mangyari ang insidente alas-2:58 ng madaling-araw.

“Inabangan sila sa dadaanan. Pinagpapalo sila ng kahoy na may kadena,” aniya.

Una umanong pinalo si Estelita habang sumunod si Felix nang mabangga ang traysikel sa isang pader.

Dagdag ng Meycauayan City police, may nakuha silang testigo na nakakita sa insidente.

Inamin ng 14 anyos na si alyas Ryan ang krimen at kasama umano niyang gumawa ang 15 anyos na kaibigan na si alyas Marlon.

“Galing kami mag-inuman… Tapos kumain kami sa burgeran. Nakita naming dumaan ‘yung matanda. Si… humampas sa babae, ako naman dun sa lalaki hanggang sa mamatay sila,” aniya.

Itinanggi niyang kasama ang kaniyang ama na si alyas Miguel at 18 anyos na kuya na si alyas Jason sa insidente.

Depensa ni Miguel, tumulong lang umano sila nang makitang nakahandusay ang mga biktima.

“Nagpunta kami sa pinangyarihan. Nakita naming nakahandusay na ang mga matatanda. Kasi may nagsusumigaw na may naaksidente raw. Tapos makikita mo may nakabanggang traysikel. Tumulong lang kami,” aniya.

Dagdag ni Ryan, pinatay nila ang mag-asawa dahil sinisita umano sila kapag kumukuha ng bunga ng manga.

“Kasi kapag kumukuha kami ng bunga ng manga, binubulyawan kami. Kaya namin pinatay,” aniya.

Dadalhin sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 2 menor de edad habang sasampahan ng kasong murder ang mag-ama. – Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.