‘Mga aftershock ng Mindanao quake hamon sa relokasyon ng mga residente’

Magsisilbing hamon para sa mga lokal na pamahalaan na nasalanta ng lindol sa ilang parte ng Mindanao nitong Martes ang paglilipat ng bahay lalo’t may mga bitak-bitak sa ilang lugar na matinding tinamaan ng lindol.

Miyerkoles ng gabi nang yanigin ng magnitude 6.3 na lindol ang Tulunan, North Cotabato at ang mga karatig-lugar nito gaya ng Kidapawan City at Davao Region – dahilan para gumuho ang ilang gusali at bahay sa ilang siyudad. Nasa lima na ang namatay sa lindol at inaasahan pa ang aftershocks.

Hinahanapan na ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan, North Cotabato ng paglilipatan ang komunidad ng Manobo na naninirahan sa kabundukan.

May halos 100 metrong bitak kasi sa Barangay Ilomavis na tumatawid sa mga bahay ng mga Manobo. Nakatirik sa reclaimed area ang mga bahay at posibleng bumigay ang lupa nito kapag umulan, ayon kay Jeffrey Perez ng Phivolcs.

Aabot sa 70 pamilya ang nakatira sa lugar.

Paliwanag ng mga awtoridad, posibleng bumigay ang mga bahay at bumagsak ang mga ito sa mga nasa paanan ng bundok, sakaling magkaroon ng malakas na aftershock sa lugar kaya kinakailangan na silang ilipat.

Nagpasya naman ang ilang residente na huwag munang matulog sa kanilang bahay bunsod ng mga aftershocks pero handa na raw silang lumikas kapag may pagkakataon.

“This time we will have to start it over kasi nga ‘yung mga tao willing nang lumipat sakaling may malilipatan sila,” ani Psalmer Bernalte, disaster risk reduction and management head ng Kidapawan.

Nagpapatuloy pa rin ang mga aftershocks sa lugar kaya naman hindi makatulog ang mga residente.

“Kung ano gagawin nila sa amin; kung kaya pa nilang ayusin yung lugar namin, [lilikas] kami dito,” ani Nancy Bringas, residente ng lugar.

Ayon kay Kidapawan Mayor Joseph Evangelista, handa silang magsagawa ng forced evacuation ng mga residente sakaling kailanganin na nito.

Sa Davao Del Sur, hindi pa tukoy kung may fault line sa siyudad, partikular na sa Barangay Malawanit — isa sa pinakaapektadong lugar ng lindol.

Namatay sa barangay ang isang mag-ina nang matabunan ng lupa ang kanilang bahay.

Patuloy na kinukumpirma ng mga awtoridad kung may fault line sa lugar, ayon sa alkalde ng Davao Del Sur na si Arthur Davin Magsaysay.

“We need to confirm kung meron ba talagang fault line from authorities… We already requested them to visit the site para matingnan talaga kung may fault line yung barangay na yun,” ani Magsaysay.

Pinapanatili ngayon sa mga tent ang mga residente dahil sa banta ng mga aftershock.

Samantala, hindi na makabalik sa kanilang bahay ang residenteng si Roxanne Bisugan na halos nadurog na ang tirahan.

“Parang na-discourage ako kung saan kami magpunta… Kung saan kami [magpatayo] ng bahay,” ani Bisugan.

Takot na ring bumalik sa kanilang bahay ang kapitbahay ni Bisugan na si Evelyn Casuyac sa pangamba ng mga aftershock.

“Ilang gabi na ko kulang sa tulog. Baka bumalik ang lindol,” maiyak-iyak na pahayag ni Casuyac.

“Ang mga anak ko nag-aalala talaga ako. OK lang walang kain basta hindi malindol. OK na kami basta hindi kainin ng lupa,” aniya.

Tantiya ng lokal na pamahalaan na aabot sa P200 milyon ang halaga ng pinsala ng lindol sa imprastraktura at agrikultura sa Davao Del Sur.

Nanawagan si Magsaysay na makipagtulungan ang mga residente para mas mabilis na makabangon sa lindol.

— Ulat nina Jeff Canoy at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.