Mga artista nakiisa sa halalan

Nakiisa ang ilang artista sa halalan nang bumoto ngayong Lunes sa kani-kanilang mga lungsod at lalawigan.

Maagang gumising si Matteo Guidicelli at bumoto sa kaniyang presinto sa Muntinlupa City.

Sinamantala niya ang maiksing pila sa eskuwelahan.

“It’s very nice to see especially the millennial, the young ones, really voting aside from the more seniors,” ani Guidicelli.

Isa si Celeste Legaspi sa mga senior citizen na hindi pinalampas ang pagboto.

“Naawa ako at naiinis ako sa mga Pilipino na hindi bumoboto kasi sayang na sayang ‘yong karapatan na ‘yon,” ani Legaspi.

Bumoto rin sa Makati si Iza Calzado habang sa Santa Cruz, Maynila naman si Vice Ganda.

“Bawat boto ay mahalaga, walang botong mas matalino sa isa,” ani Vice Ganda.

“Alam ko marami sa atin ang manhid na, apathetic… pero ‘pag nawalan tayo ng tiwala sa boto natin, saan tayo dadalhin nito ‘di ba?” ani Calzado.

Dismayado naman si Karla Estrada nang hindi tanggapin ng vote counting machine ang kanilang balota.

Sa Pasong Tamo Elementary School sa Quezon City maagang pumila si Estrada at kinailangan pang maghintay ng kapalit ng makina.

“Sana makita ‘to ng mga mahahalal. Hanggang sa pagboto, sakripisyo,” ani Estrada.

Nawala naman ang pangalan ng ina ni Angeline Quinto sa listahan ng mga botante sa presinto sa Sampaloc, Maynila.

“Sabi sa akin baka kailangan ko nang ayusin sa Comelec ulit,” ani Quinto.

Bumoto rin sina Daniel Padilla, Kim Chiu, Janella Salvador, McCoy De Leon, Angel Locsin, Anne Curtis, at Enchong Dee.

MGA ARTISTANG POLITIKO BUMOTO

Sunod-sunod ding bumoto ang mga artistang-politiko sa Rizal kasama si Cainta vice mayoral candidate Gary Estrada at running mate niyang si mayoral candidate Pia Velasco.

Bumoto rin ang unopposed o walang kalaban na si Antipolo mayoral candidate Andrea Bautista-Ynares at kandidato sa pagkabokal na si Jestoni Alarcon.

Pinagkaguluhan din ang magkapatid na Toni at Alex Gonzaga sa pagboto nila sa Taytay, kasama ang mayoral candidate nilang amang si Bonoy Gonzaga.

“[Sana] makaboto ang lahat nang maayos, walang aberya,” ani Alex.

Binigyan din ng natatanging mukha ni Romy “Dagul” Pastrana ang halalan sa pagboto niya bilang councilor candidate sa Rodriguez, Rizal.

Nais daw tulungan ni Dagul ang mga senior citizen at person with disability.

Sa Quezon City, ikinagulat naman ng aktres at tumatakbong konsehal ng 4th district na si Jan Marini ang pagkakaaresto sa sinusuportahan niya sa pagkaalkalde na si Vincent “Bingbong” Crisologo.

“Na-anxious ako but then, nakita ko rin naman ‘yong message ni Bingbong na mag-relax lang ‘yong followers niya,” ani Marini.

Bumoto naman si Ara Mina sa Corazon Aquino Elementary School kasama ang amang si Chuck Mathay na tumatakbong alkalde ng Quezon City.

Sa Batangas, tilian ang lahat nang bumoto si Vilma Santos-Recto kasama ang asawang si Sen. Ralph Recto at mga anak na sina Ryan Christian at Luis Manzano.

Bumoto sa Pampanga si senatorial aspirant at “Ang Probinsyano” star Lito Lapid.

Kasama ng mag-asawang reelectionist na sina Richard at Lucy Torres-Gomez na bumoto sa Ormoc City ang kanilang anak na si Juliana, na unang beses bumoto sa lungsod.

Kahit naman maulan, bumiyahe sakay ng speedboat para makaboto si Imelda Papin, na kandidato sa pagka-vice governor sa Camarines Sur.

Sa Cebu naman bumoto si Richard Yap na tumatakbong congressman.

–Ulat nina MJ Felipe at Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.