Mga disenyong Pinoy inirampa ng mga mambabatas, bisita sa SONA 2019

Bumida ang mga lokal na disenyo at materyales sa red carpet ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes.

Agaw-eksena ang mala-Miss Universe Catriona Gray gown ni Laguna Rep. Sol Aragones, na aminadong ang iconic “lava gown” ng beauty queen ang naging inspirasyon niya.

Likha ang kasuotan ni San Pablo-based fashion designer Chiva Siason at gamit niya ang mga lokal na materyales. 

“Ito po ‘yung lokal at simpleng version namin dahil idol po namin siya (Gray) sa adbokasiya niya sa buhay,” ani Aragones.

Feeling Catriona din si Sen. Imee Marcos, dahil pinili niya mismo ang Miss Universe designer na si Mak Tumang.

Gawa sa solihiya-inspired fabric na may gold tambourine swags at medallion ang dilaw na gown ni Marcos, na nagbiro pang “dilawan” siya ngayong SONA. Dilaw ang kulay na kadalasang ikinakabit sa pamilya Aquino, na katunggali ng mga Marcos. 

Si Antique Rep. Loren Legarda naman, gumamit ng patadyong habang si Sen. Pia Cayetano ay nagsuot ng yakan fabric ng Mindanao.

Classic white naman ang color of choice ni Sen. Grace Poe sa gown na likha ni Paul Cabral.

Samantala, nakaligtas mula sa bashing si Sen. Nancy Binay ngayong taon at pinuri pa ito ng netizens dahil sa kaniyang eleganteng Randy Ortiz gown.

Samantala, sa mga kasuotan naman idinaan ng Makabayan bloc ang pakikiisa nila sa mga kilos-protesta sa labas ng Kamara. 

May tema kasing West Philippine Sea at human rights ang suot nina Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, at Kabataan party-list Rep. Sarah Elago.

Marami naman ang naintriga sa makukulay na patches na nakadikit sa coat ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang isa dito ay isang hooded figure na animo’y si alyas “Bikoy.”

Bukod sa mga mambabatas, present din ang ilang celebrities sa SONA gaya nina Robin Padilla, Phillip Salvador, Bayani Agbayani, Dina Bonnevie, at Aiko Melendez. —Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.