Motorcycle rider patay matapos bumangga sa trak

Patay ang isang motorcycle rider matapos bumangga sa isang trak
sa Barangay E. Rodriguez Sr. sa Quezon City.

Binabaybay ng trak ang kahabaan ng New York Avenue sa naturang
lugar nang biglang sumalpok sa likurang gulong niya ang isang
motorsiklo na galing Cambridge Street.

Humandusay ang motorcycle rider at kaagad namatay, base sa
CCTV.

Sa isa pang kuha ng CCTV, mabilis ang pagpapatakbo ng
motorcycle rider at hindi ito nagmenor paglabas ng kanto.

Kinilala ang namatay na si Jomar Dela Cruz, 26.

Kuwento ng kaniyang kaanak, nagkainuman sila ng biktima at
isang kasama pero nagpumilit si Dela Cruz na ihatid ang
kainuman.

“Sabi ko mag-trike na lang sila. ‘Wag na mag-single. Motor ko
‘yan eh… Pero ang kulit niya, kaya binigay ko na,” kuwento ni
Germie Dela Cruz.

Sa kabila nito, wala namang balak magsampa pa ng kaso ang
kaanak.

“Hihingi na lang kami ng tulong sa nakabangga,” aniya.

Nagpaalala naman ang mga taga-barangay sa mga motorista.

“Unang-una, ‘wag magmaneho nang nakainom. Pangalawa, kapag
lalabas ng kanto, dapat magmenor at tumingin muna,” ayon kay AJ
Olivas, opisyal ng barangay.

Pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang driver ng nabanggang
trak.

—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.