Mula pulpito, nauwi sa presinto: Pastor, arestado sa droga

Arestado ang isang pastor na naaktuhang nagbebenta ng droga sa buy-bust operation ng pulis sa Cubao, Quezon City nitong Sabado ng madaling-araw. 

Wala nang nagawa kundi magdasal ng 49 anyos na pastor mula Cainta, Rizal matapos siya arestuhin ng mga pulis.

Dala ng suspek ang kanyang motorsiklo sa Oxford Street sa Barangay E. Rodriguez nang matiklo. 

Isang buwan na pala siyang minamanmanan ng pulis. 

“Kasi pag may nahuhuli kami sa may bandang Aurora, binabanggit po sa amin na isa ito sa nagbibigay sa kanila,” ani Police Capt. Ramon Aquiatan ng Cubao Police Station. “Talagang nagduda muna kami sa una hanggang sa nakabili ang poseur buyer namin.”

Sampung sachet ng shabu ang nakuha mula sa suspek. Ayon sa pulis, dinadala ito ng suspek mula Cainta.

Aminado ang pastor na dalawang buwan na siyang gumagamit ng shabu, impluwensiya umano ng mga kaibigan.

“Wala pong nakakaalam na nagbibisyo ako, walang nakakaalam even po mga kamag-anak even asawa ko,” aniya. “Di po talaga ako nagbebenta sir. Nagkataon lang kanina, kinapos po ako sa pera.”

Nalaman pa ng pulis na nagturo ang suspek ng values formation sa mga pulis at estudyante. Inaalam nila ngayong kung saan galing ang drogang nasabat sa kanya.

“Sabi ko pano ka makakahikayat kung ikaw mismo sa sarili mo ay nagbebenta at gumagamit ng droga?” ayon kay Aquiatan.

“Gabayan na lang po ako ng Panginoon. Tanggapin ko na lang itong nangyari sa akin. Patawarin na lang po ako even ng pulis, saka ng pamilya ko na nasaktan ko sila,” ayon sa suspek. 

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinahaharap ng suspek, na hindi muna pinangalanan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.