Nagpanggap na kaanak ni Duterte, nakapanloko ng tunay na kaanak ng pangulo

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) Special
Action Unit ang isang negosyanteng nakapanlansi umano dahil
nagpakilalang pinsan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang sa mga nabiktima raw ng suspek ay mismong hipag ng
pangulo.

Sa bisa ng warrant of arrest sa kasong, estafa, inaresto ng mga
tauhan ng NBI si Alexander Bacquial sa labas ng kaniyang bahay
sa Otis, Maynila.

Naunang inireklamo ang distributor ng diesel na si Bacquial sa
NBI dahil sa hindi niya nai-deliver ang P30 milyong halaga ng
diesel na binili sa kaniya.

Sa pag-iimbestiga ng NBI, lumalabas na may anim na warrant of
arrest sa kasong estafa si Bacquial sa Maynila, Caloocan, at
Ozamis.

Napaniwala umano ni Bacquial ang ilang biktima na kamag-anak
niya si Duterte.

“Ang sabi niya sa’kin third cousin po sila ni presidente po,”
kuwento ni alyas “Boy,” isa sa mga nagreklamo laban sa suspek.

Pero todo tanggi si Bacquial sa mga alegasyon.

Hindi rin daw siya nagpapakilalang kaanak ni Duterte.

Nadismaya naman ang nakababatang kapatid ni Duterte na si
Emmanuel dahil maging ang asawa niya ay biniktima umano ni
Bacquial.

“He’s telling people na kamag-anak daw siya namin. Masama ho
‘yan, ‘pag narinig ho ni Presidente ‘yan, magagalit sa kaniya
‘yan,” ani Emmanuel Roa Duterte.

Ayon sa NBI, hanggang sa kanilang opisina ay nagpapakilalang
kunektado sa matataas na opisyal si Bacquial.

“Kine-claim naman niya na may mga kakilala siya sa gobyerno,”
ani Atty. Joel Tovera, hepe ng NBI Special Action Unit.

Kalaboso na ngayon si Bacquial at nananawagan ang NBI sa iba pa
umanong biktima ng suspek na magreklamo sa kanilang opisina.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.