PAGASA: Tag-init, posibleng ideklara sa katapusan ng Marso

MANILA – Posibleng sa katapusan ng Marso opisyal na magdeklara
ang PAGASA ng simula ng tag-init.

Ayon kay weather forecaster Meno Mendoza, kasalukuyang
nakakaapekto ang northeast monsoon o amihan sa hilaga at
gitnang Luzon.

“Inaasahan natin na muling mawawala ang amihan pagsapit ng 13
ng buwang kasalukuyang,” sabi ni Mendoza sa ulat niya sa DZMM,
Sabado ng umaga. 

Paliwanag ni Mendoza, pag-alis ng amihan ay oobserbahan na ng
PAGASA kung ilang araw na magiging mainit ang lagay ng panahon.

“At kung ma-satisfy ang ating criteria, baka po by the end of
March, posible na po tayong mag-deklara ng summer season,” sabi
ni Mendoza.

Dahil sa amihan, makararanas ng maulap na kalangitan na may
kalat-kalat na pag-ulan at mga isolated thunderstorm sa Bicol
Region at sa Quezon province.

Sa Metro Manila, Ilocos Region at ilang bahagi ng gitnang
Luzon, asahan ang bahagyang maulap na kalangitan na may
pulo-pulong mahinang pag-ulan.

“Bumaba po ulit ang ating amihan kaya medyo malamig-lamig tayo
ngayon,” sabi ni Mendoza.

Sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at Aurora
naman ay inaasahang magiging maulap ang kalangitan na may
mahihinang pag-ulan.

Ayon sa PAGASA, maaliwalas na panahon ang maaasahan sa
nalalabing bahagi ng bansa, pero may posibilidad pa rin ng
pulo-pulong pag-ulan. 

Delikado namang maglayag ang mga mangingisda sa baybaying dagat
ng Batanes, Babuyan Group of Islands, Cagayan, Isabela, Ilocos
Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Camarines
provinces, Catanduanes, at eastern coast ng Quezon kasama na
ang Polillo Island dahil sa malalaking alon na dulot ng amihan.

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.