Panalo ‘to: Lodi na kaboses ni Karen Carpenter

Kasing-boses ni Karen Carpenter ang pambatong singer ng mga
taga-Malalag, Davao Del Sur pagdating sa kantahan.

Sa kabila ng pagiging viral, malaking palaisipan kung ano nga
ba ang kasarian ng mang-aawit na may ginintuang boses.

“Kadalasan, napagkakamalan akong tomboy. Hindi nila alam ang
totoo, na bakla ako,” sabi ng ala-Karen Carpenter na si Rey
“Yong” Yting.

Pang-apat sa 10 magkakapatid si Yting.

Ipinanganak siyang lalaki, pero ipinagtaka ng kaniyang ina kung
bakit habang tumatanda si Yting ay tila nagkakaroon siya ng mga
pisikal na katangiang pambabae tulad ng paglaki ng dibdib.

Naging tampulan si Yting ng pangungutya at panghuhusga.

Pero imbes na magpadala sa asaran, tinutukan na lang ni Yting
ang pagtulong sa kaniyang pamilya.

Ulila na sa ama at bilang panganay na lalaki, buong tapang na
pinasan ni Yting ang responsibilidad.

Sa kagustuhang makatulong sa ina, nagtrabaho si Yting bilang
tagapag-alaga ng may sakit na kaniyang itinuring na tunay na
kapamilya.

Dahil sa pag-aalaga sa haligi ng pamilya Malubay, tinustusan ng
pamilya ang pag-aaral ni Yting bilang caregiver.

Edukasyon ang naisip ng pamilya Malubay na iregalo kay Yting.

Paraan ito ng kanilang pasasalamat sa pagmamahal at pag-alaga
niya sa kanilang ama noong ito’y nabubuhay pa.

Tatlong buwan mula ngayon, magtatapos na si Yting.

Pero hirap pa rin siyang itawid ang pang-araw-araw na baon.

Dahil walang sobrang pera para magpatingin sa espesyalista, si
Yting ay sinamahan ng grupo mula sa ABS-CBN News para matingnan
ng doktor.

Ito ang unang pagkakataong malalaman ang tunay na kondisyon ni
Yting.

“Hermaphroditism… it’s very rare. There are different types,
mayroong pseudo hermaphroditism: sa external lang, pero sa loob
male talaga siya. Mayroon ding true hermaphroditism na dalawa
talaga ang organs niya. So, sa case ni [Yting], hindi pa natin
alam,” ani Dr. Kathleen Kaye Lucera, isang government doctor sa
Digos City.

Buong buhay ni Yting, puro tanong ang naririnig niya sa kung
ano nga ba siya.

Pero para sa kaniya simple lang ang sagot — anak siya na
gagawin ang lahat para makatulong sa kaniyang pamilya.

Patuloy ang pagsusuri sa kalagayan ni Yting kung siya nga ba ay
maituturing na hermaphrodite.

Balak din niyang ituloy ang pagkanta nang lalo pang mahasa ang
kaniyang boses at maging ganap ding propesyonal na singer.

Pero ang higit niyang pinagtutuunan ng pansin ay ang pagtulong
sa mga malilit pa niyang kapatid.

Dalangin ni Yting na sana’y matulungan din ang kaniyang mga
kapatid para makapagtapos ng pag-aaral.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.