Parang sari-sari store: Grab driver, may libreng snacks, supplies sa sasakyan

MAYNILA – Viral ngayon sa social media ang post ng isang netizen na humahanga sa kaniyang na-book na Grab car service na may libreng supplies para sa mga pasahero.

Aabot na sa 59,000 ang likes at 34,000 na ang shares sa post ni Che Rubio-Abando ng mga retrato ng kaniyang nasakyang ride-hailing vehicle. Makikitang may mga biskuwit, hygiene kit, at medical emergency kit ang sasakyan ng Grab driver na si Jp Curada Secarro.

 

Kuwento ni Abando, papunta siya sa kanyang training sa Makati nang mag-book siya ng Grab.

Pagpasok pa lamang daw ng sasakyan ay magaan na ang kaniyang loob sa driver dahil masayahin umano ito at nakikipag-usap sa mga pasahero.

Natuwa raw siya dahil nang bibili sana siya sa mga inakala niyang panindang pagkain ay sinabi ni Secarro na libre lamang ito.

Mayroon ding damit at unan ang kaniyang sasakyan sakaling mangailangan ang pasahero nito.

Nilagyan din ng drayber ng arinola ang kaniyang sasakyan para sa mga senior citizen na hindi makapigil sa biyahe.

Nagkabit din ng camera si Secarro para masegurong ligtas ang mga pasahero niya.

“Baka daw kasi baliktarin siya ng mga lasing na pasahero na nag-take advantage siya. Madalas daw kasi babae pa ‘yung naisasakay niya na lasing galing sa mga gimikan, at least may proof daw siya na wala siya ginagawa sa mga pasahero niya at safe niya na maihahatid,” ani Abando sa post.

Hindi man malaki ang kinikita, ayos lang daw ito para kay Secarro dahil nakakatulong naman daw siya sa kapwa.

Sa halos dalawang taon na rin daw niyang pagmamaneho, marami na rin ang mga pasahero na natuwa sa kaniyang estilo.

Mayroon pa nga raw aniyang kumuha ng maraming pagkain para may pambaon ang anak nito.

Aniya pa, masayang tumulong sa kapwa at hindi siya naghihintay ng kahit na anong kapalit sa kaniyang mga ginagawa.

 

Sa hiwalay na post, pinuri ng Grab ang drayber sa kaniyang serbisyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.