Pasahero, konduktor nagbugbugan dahil sa vape; awtoridad ‘tali ang kamay’

Viral sa social media ang insidenteng bugbugan sa pagitan ng
isang konduktor ng bus at isa sa pasahero nitong nagmatigas at
ayaw bumaba habang nagbe-vape o electronic cigarette. 

Puno ng pasahero ang bus na biyaheng Commonwealth-Pacita
Complex noong Biyernes kaya sinita ng konduktor ang pasahero
pero gulpi ang naging tugon nito sa kaniya. 

Pero sa ilalim ng mga umiiral na batas, may pananagutan nga ba
ang lalaking nag-vape sa loob ng pampublikong sasakyan?

Sa ngayon, physical injuries lamang ang asunto sa salarin dahil
hindi pasok sa Executive Order (EO) 26 o nationwide ban on
public smoking ng gobyerno ang e-cigarettes o vape.

“Bago kasi ‘yang teknolohiyang ‘yan. Wala pa ‘yan nu’ng binaba
‘yung EO,” paliwanag ni Dr. Loida Labao Alzona, director ng
Health, Public Safety, and Environmental Protection unit ng
Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Kung tutuusin daw, wala talagang direktang nilabag na batas ang
pasaherong nag-vape pero para kay Alzona, maaaring mapanagot
ang lalaki sa “paglabag” sa Clean Air Act dahil “karapatan ng
lahat na makalanghap ng malinis na hangin.”

Pero giit ni MMDA General Manager Jojo Garcia, mayroong mga
lokal na pamahalaan na may ordinansa kontra vaping sa
pampublikong lugar.

Kung hindi man matakot sa batas, dapat daw ipaalala na lang ang
panganib sa kalusugan na dulot ng vaping.

“Ang vaping ini-inhale mo ang chemicals niyan, same chemicals
na nilalagay sa refrigerator at baterya… Cancer din at ibang
respiratory diseases ang aabutin mo,” ani Alzona. 

Sa huli, nasa Kongreso umano ang bola kung kailan magpapasa ng
batas laban sa vaping. 

—Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.