Pinakamalala? Election watchdog binatikos ang mga aberya sa halalan

MAYNILA — Kung ang grupong Kontra Daya ang tatanungin, ang halalan noong Lunes na marahil ang “pinakamalalang” automated elections na isinagawa sa kasaysayan ng bansa.

Aabot kasi sa higit kumulang 600 ang mga pumalyang vote-counting machine (VCM) habang halos 1,000 SD cards rin ang nagkaaberya.

“Worst election ever. Bakit siya worst? Kasi hindi lang ito usapin ng magnitude ng breakdown ng vote-counting machines… Kahit isang VCM lang ‘yung mag-breakdown it could lead to the disenfranchisement of voters no matter how little or few they may be,” sabi ni Kontra Daya convenor Danilo Arao.

Tanggap naman ni Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon ang batikos na kanilang tinanggap dahil sa mga aberya.

Mungkahi pa nga niya, huwag nang bayaran nang buo ang kompanyang nagsuplay ng SD cards dahil sa pagpalya nito. 

Ipasisilip din ni Guanzon ang kontrata ng kompanya kung may mga paglabag.

“This is my personal view na itong supplier ng SD cards hindi namin babayaran nang buo at ipasusuri ko ‘yan, ‘yung proseso sa pag-bidding at pag-deliver nila ng cards kasi ‘yan po talaga ang naging culprit,” giit ni Guanzon. 

Tulad daw kasi ng napansin ni commissioner Marlon Casquejo, masyadong mura ang ceiling price ng mga SD cards kaya pumalpak ang mga ito.

PROBLEMA SA SD CARDS

Samantala, hindi pa rin naipoproklama ang mga nanalo sa halalan sa ibang mga bayan at lungsod sa iba’t ibang mga probinsya dahil hindi pa rin nakapag-transmit ang iilang VCM bunsod ng mga sirang SD cards.

Sa Negros Occidental, ang mga lungsod ng Sipalay, Escalante, San Carlos, Talisay, Silay, Victorias, Cadiz at Bago ang hindi pa nakapag-transmit dahil sa palyadong SD cards.

Nasa 17 na depektibong SD cards ang kasalukuyang hinihintay na ma-reconfigure ng regional technical hub sa Iloilo para makapag-transmit na ng resulta. 

Sabi ng Comelec doon sa rehiyon, lahat ay nakadepende sa SD cards. Hangga’t hindi dumarating ang replacement ay hindi makapagpoproklama. 

Dapat kasi ay kompleto ang resulta bago maka-transmit sa provincial board of canvassers (PBOC).

Sa Tarlac naman, mahigit 2,000 official ballots pa ang kailangang bilangin ng VCM dahil pa rin sa palyadong SD cards.

Kung ang batikang election lawyer at kumandidatong senador na si Atty. Romulo Macalintal ang tatanungin, naniniwala siyang tama ang mga botong lumalabas sa kabila ng iba’t ibang aberya, partikular na ang 7-oras na delay ng pagpasok ng datos sa transparency server noong Lunes ng gabi. 

Pero hindi raw puwedeng sabihing naging matagumpay ang halalan 2019 lalo’t laganap ang vote buying.

Sabi pa niya, dapat pagpaliwanagin ng kongreso ang Comelec kung bakit may mga kumakalat na election pen at palpak na SD card at VCMs.

—Ulat nina Zandro Ochona, Annie Perez, at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.