SAPUL SA VIDEO: Agawan sa paninda ng taho vendor, safety enforcers

Video mula kay Jimmyluz Manabat

BAGUIO CITY — Nasapul sa video ang sapilitang panga-agaw ng mga tauhan ng Peace and Order Safety Division ng lungsod na ito sa panindang taho ng isang lalaki.

Sa video na kuha ni alyas “Lisa,” na isa ring vendor, mapapanood na napahiga pa ang lalaking taho vendor habang nakikipag-agawan sa mga POSD enforcer.

Sa gitna ng agawan, natapon pa ang panindang taho.

Nai-post noong Martes sa Facebook ang video at sa ngayon ay mayroon na itong 3,200 reaksiyon, karamihan ay “angry” o nagpapahayag ng galit.

Ayon kay “Lisa,” hinuli ng mga POSD enforcer ang taho vendor na kinilalang si Benedick Seño dahil galing ito sa bahagi ng kalsada sa may Baguio Botanical Garden kung saan ipinagbabawal ang pagtitinda.

Pero nakatawid na raw si Seño sa tamang lugar kung saan puwedeng magtinda nang mangyari ang agawan.

Nagtatrabaho bilang guwardiya sa bangko si Seño, at suma-sideline sa pagtataho at pagsisilbi bilang tanod sa Barangay Imelda Village.

“Sabi nila kunin namin balde mo kasi galing ka sa bawal eh actually po nandun na po ako sa hindi bawal,” sabi ni Seño sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon kay “Michael,” isa sa mga POSD enforcer na nasa video, paulit-ulit na raw kasing bumabalik si Seño sa lugar kung saan ipinagbabawal ang pagtitinda.

“[May] permit siya na magbenta pero sa harap at gilid ng botanical [kasi] bawal… lagi naman kasi nilang ginagawa ‘yon,” paliwanag ni “Michael.”

Iniimbestigahan na ng mga opisyal ng POSD ang insidente.

Sakaling mapatunayang magkamali, papatawan daw ng parusa ang mga POSD enforcer.

“We must have to give discipline doon sa ‘di magandang ginagawa ng mga enforcer, we’ll give them disciplinary action,” ani POSD head Policarpio Cambod.

Ipatatawag ng Baguio City Council ang mga sangkot na enforcer para magpaliwanag.

–Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.