Suspek sa pagpatay sa alkalde ng Sudipen, hawak na ng mga pulis

SUDIPEN, La Union– Nasa kamay na ng mga pulis ang isa sa
hinihinalang sangkot sa
pananambang
sa alkalde ng bayan na si Alexander Buquing.

Ayon kay Senior Supt. Ricardo Layug, nasa kustodiya na nila ang
isang Rosendo Sibayan na tinukoy umano ng mga witness.

Nauna nang sinabi ng mga pulis na hindi bababa sa lima ang
sangkot sa pagpatay kay Buquing. 

Matatandaang namatay ang alkalde sa pananambang noong nakaraang
linggo habang sugatan naman ang kaniyang asawa na si Vice Mayor
Wendy Joy Buquing sa insidente.

Bukod sa alkalde, patay rin sa pananambang ang kaniyang
bodyguard at driver.

Ayon sa pulisya, hinuli si Sibayan dahil sa illegal possession
of firearms matapos makuha sa kaniya ang 5 bala at 1 basyo ng
bala ng isang M16.

Nagsasagawa pa raw ng cross-matching ang crime laboratory sa
mga bala at basyo na nakuha kay Sibayan para malaman kung tugma
ito sa mga narekober sa lugar kung saan pinagbabaril ang
alkalde.

Itinanggi naman ni Sibayan na sangkot siya sa pananambang sa
alkalde at itinanggi rin na siya ang may-ari ng mga nakuhang
basyo ng bala.

Hindi niya raw ito magagawa lalo pa’t maliliit pa raw ang
kaniyang mga anak.

Samantala, hinihintay pa ng mga imbestigador ang complaint mula
sa misis ng yumaong alkalde na nakiusap na magbibigay ng sworn
statement matapos ang libing ng kaniyang asawa.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Balaoan Police Station si
Sibayan.


Pumalit sa puwesto
ng kaniyang asawa ang bise
alkalde. 

Bisitahin ang Patrol.PH
para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.