TINGNAN: Libing nagpatuloy sa gitna ng matinding baha sa Ilocos Norte

ILOCOS NORTE—Sa kabila ng matinding baha na dulot ng bagyong Ineng, nagpatuloy ang libing para sa isang 23 anyos na babae sa Laoag City nitong Sabado. 

Sa kuhang retrato ni Debra Matulin, makikitang abot-dibdib na ang taas ng baha sa Barangay 42 Apaya habang hinahatid sa huling hantungan ang kaniyang hipag na si Milagros Aguinaldo, na namatay sa sakit na lupus. 

 

Buhat ng aabot sa 6 na residente ang kabaong para lang maihatid si Aguinaldo sa huli niyang hantungan. 

Pinatong din ang kabaong sa isang mala-Jet Ski na sasakyan para hindi ito mahulog. 

Ikinalulungkot daw ni Matulin na humantong pa sa ganoon ang kanilang pamamaalam sa namayapang kaanak. 

“Lubos naming ikinalulungot ang pagpapaalam namin sa’yo sa ganitong paraan. Dobleng sakit ang aking nararamdaman. Hindi namin inaakala na aabot ng ganito. Ipagdasal mo sana kami at sana makapagpahinga ka nasa piling ng Diyos,” aniya sa salitang Ilokano. 

Viral ngayon sa social media ang post ni Matulin, na may higit 2,800 reactions sa Facebook. 

Tinamaan ng matinding baha ang probinsiya bunsod ng hagupit ng bagyong Ineng, dahilan sa matinding baha sa lungsod. 

Isinailalim nitong Sabado sa state of calamity ang buong probinsiya ng Ilocos Norte, kung saan dalawa na ang namatay. 

— May ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.