VIRAL: Bata, 3 araw absent dahil walang makain

Naawa ang guro na si Jenmarie Dullente nang malamang nag-absent ang kaniyang estudyante dahil hindi ito nakakain ng 3 araw.

CAGAYAN DE ORO—Imbes na magalit, naantig ang guro na si Jenmarie Dullente sa excuse letter ng kaniyang Grade 7 na estudyante sa Bugo National High School sa lungsod na ito.

Sa ngayo’y viral post sa social media, nakalagay sa excuse letter na umabsent ang estudyante nang tatlong araw dahil wala silang bigas na masaing matapos hindi makapagmaneho ng tricycle ang kaniyang ama.

 

“Na-shock ako. Kasi hindi ko naman inakala na may ganu’n palang case dito sa school namin. Kasi every now and then, we have a feeding program naman. It’s a very rare case dito sa city na school,” ani Dullente.

Ang excuse letter ay galing sa 14-anyos na si Jerom Felipe. Sinulat ng kaniyang ina ang excuse letter matapos pakiusapan ng bata.

Bagama’t nakararanas ng matinding hirap, pursigido ang Grade 7 na estudyante na si Jerom Felipe makatapos ng pagaaral.

“Sabi ko, ‘Sige gawa tayo ng excuse letter.’ Sabi niya, ‘Ano sasabihin natin?’ Sabi ko, ‘ ‘Yung totoo na wala tayong bigas dahil hindi naka-drive ang papa mo dahil sira ang tricycle,'” ani Rosalinda Felipe, ina ni Jerom.

Walang trabaho si Rosalinda kaya tanging ang araw-araw na kitang P200 ng kaniyang asawa sa pagta-tricycle lang ang inaasahan nila.

Siyam ang kanilang mga anak at anim ang nasa kanilang poder. Apat sa kanila ang nag-aaral — dalawa sa high school at dalawa sa elementarya — kaya aminado silang mahirap ang kanilang pamumuhay.

Walang ilaw ang kanilang bahay at tanging lampara lang ang ginagamit ng magkakapatid kung mag-aaral sila.

Sa kabila nito, desidido si Jerom na makapagtapos at maging isang sundalo.

Dahil sa viral post, iilan na ngayon ang nais tumulong kay Jerom.

“Meron nang mga tao na nag-aaproach sa’kin, nag-chat sa’kin kung pwede ba silang mag-extend ng help, magpadala ng pera sa bata. Merong taga ibang countries na sila na lang mag-cater sa isang buwang baon ng bata [at] magpadala ng bigas,” ani Dullente.

Dahil dito malaki ang pasalamat ng pamilya ni Jerom kay Dullente na naging instrumento para tulungan ang bata. Pangako naman nila na susuportahan nila ang pag-aaral ng kanilang mga anak at makapagtapos sila.

Sa mga nais tumulong kay Jerom maaring kontakin ang numerong 0936-450-1604.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.